Confessions of a Graduating College Student (Cute na Throwback, Mabigat na Present, Mapangarap na Future)

“Congratulations, Batch 2015!”

— Sabi ng mga kainan, establisimiyento, eskuwelahan, o kahit mga prominenteng tao.

Ngayon ko lang damang-dama ang mga katagang yan. Kahit dalawang beses ko na naranasang magsuot ng toga noon, ibang-iba sa pakiramdam ko pag nababasa ko ang mga katagang ‘yan ngayon.

Hi! Ako nga pala si Alpha. 20, proud Bachelor of Arts in English graduate sa  premier State University ng aming probinsya. Hindi ganun katalino pero hindi rin ganung walang alam.  Hindi sensitive bagkus mejo joker at masayahin. Hindi masyadong “feminine” pero prim and proper na maituturing.  Hindi tahimik pero marunong ding mag-ingay. Lagalag minsan pero marunong ding pumirmi. Hindi mapili sa kakaibiganin at lalong kayang mag-isa o kahit gumala mag-isa. Hindi Chinese pero medyo chinita. Hindi mayaman pero namumuhay ng sakto lang. Isang hobbyist writer and photographer, blogger, music lover, certified pagkain-lover at may super girl powers.

Nagtataka kayo siguro kung bakit ko muna inintroduce ang sarili ko. Marahil sa simula eh “Boring siguro to.” o di kaya “Anong konek ng mga to sa entry niya? Nagmamayabang ba ‘to?” Sa madali’t salita kaya ko sinabi yan ay sa kadahilanang ganyan ang isang normal na ako na sa loob ng labing-apat na taon. Labing apat na taon na sanay lang akong pinapaaral, pinapakain at binubuhay. Yung walang iniintindi? Nakaukit na sa sistema ko yung sa mga magulang o sa pamilya ko ang buhay ko – yung sa pamilya ko ako umaasa at nakadepende. Ganunpaman, lumaki akong hindi nakukuha lahat ng gusto ko. Tinuruan ako na maging kuntento  sa kung anuman ang nakahain sa mesa o sa kung ano mang meron kami sa buhay.

ANG CUTE NA THROWBACK (#Feeling Mature)

Pagtapak ko ng kolehiyo, pakiramdam ko’y tila naglalakad ako sa walang hanggan. Tipong ang laki na ng mundong ginagalawan ko. Bagong tao, bagong adjustments, lahat talaga e bago at culture shocked ang labas ko.

Pagpasok ko sa unang klase ko, andun na ata lahat ng klase ng tao. Siyempre may lalake at babae, may “tibursyo” at “diwata”, may single parent, may pamilyado, may “ako-muna-yung-patatapusin- tas-susunod-yung-kapatid-ko” may umulit ng subject, may in a relationship, may kaka-break, may kasalukuyang nag mo-move on.

Naisip kong ang saya pala maging kolehiyala na tila andami mong matutunan sa apat o limang taong pamamalagi mo sa napili mong institusyon. Para sakin, ang apat na taong pamamalagi ko sa kolehiyo ang nagsilbing On-The-Job training ko para sa totoong buhay. Siyempre may natutunan din ako nung elementary at high school pero dito ko kasi naranasan yung bigat at reyalidad ng isang sitwasyon. Yung tipong minsan kahit sobra na yung pagpupursigi mo, kulang parin. Yung tipong pinagpaguran mo na’t lahat lahat, wala parin.

Maituturing kong sobrang saya ng buhay ko sa kolehiyo. Bukod sa nabigyan ako ng break sa pinagkaloob ng Diyos na mga talento sa akin, dito ko rin naranasan maging totoong tao. Bagama’t mahirap ang mga aralin sa kabila ng mga personal na pasanin, nakayanan rin naman. Kabi-kabilaan man ang mga recitations, term papers, essays, quizzes at final requirements, nagagawa ko paring tumawa sampu ng aking mga kaklase. Naranasan ko rin namang umibig sa yugtong ito ng buhay ko. Pero hindi romantic ang ending eh. Nagmistulang cheap.

Tila umikot  lang yung mundo ko sa departamento kung saan ang kurso ko. Sa araw-araw na nakakasama, nakakakuwentuhan at nakakatawanan ko sila ay tila wala na akong hahanapin pa. Ganun lang kasimple ang buhay. Nabubuhay na para lang tapusin ang kurso at hindi sinasayang ang bawat pisong suweldo ng mga nag-papaaral samin buhat ng maghapong pawis at pagod nila sa walong oras sa isang araw nilang pagtatatrabaho.

May mga araw na hiniing kong sana pag gising ko isang araw, graduation day na, o di kaya’y may trabaho na. Dumating din kasi ako sa puntong sawang-sawa ko sa araw araw kong routine at naiinggit na rin ako sa mga seniors naming tapos na, may mga work na at nabibili na nila ang anuman ang gustuhin nila. Naiinggit rin ako sa mga may tatlong kulay maroon na libro na nakaharbound na hindi sila magkamayaw sa saya matapos pirmahan sa preliminary page ang kanilang approval sheet. May mga ilang umiiyak pa, may ilan namang wala na lang masabi sa sobrang ka-speechless-an.

Ibang-iba. Wala na akong masabi.

ANG MABIGAT NA PRESENT (#KKK: Kaya Ko Kaya?)

At nagpatuloy lahat ng ‘yon hanggang sa dumating ang pang-apat at huling taon kong pamamalagi sa institusyon. Natapos ko na ang 200 OJT hours, natapos ko na rin ang pinapangarap at kinatatakutang thesis, nakumpleto ko na rin ang 166 + units sa buong course curriculum namin. At yun na nga, andito na ako sa reyalidad na KAILANGAN KO NA RING MAGHANAP NG TRABAHO AT KAILANGAN KO NA RING MAGBANAT NG BUTO.

Hindi naman lingid sa akin na pagkatapos mag-aral ay nararapat ang maghanap na ng trabaho. Siyempre naman, bukod sa mabibili mo na ang gusto mo, paraan yun para makabawi ka sa mga magulang mo o sa mga tumulong sayo para makamit ang diplomang matagal nilang pinagpaguran para sayo. Bonus na lang din sa kanila yung may nakuha kang award o anumang achivements na naigugol mo sa sa eskuwelahan.

At dahil waiting at practice na lang sa Baccalaureate Program at Graduation day ang atmosphere, nagsimula na akong gumawa ng resume at mga cover letters sa mga prospect schools na gusto kong applyan. Schools kase nakikita ko ang sarili ko sa teaching profession buhat na rin siguro ng natutunan ko sa college at sa pagmamahal ko larangang ito. Nandito kasi siguro yung will ni Lord at yung blessings niya sakin.

ANG LAKING CULTURE SHOCK!!!  Ganto pala kase yung pakiramdam ng mga fresh graduates/fresh job-seekers. Yung pakiramdam na hindi ka naman mag-aasawa pero parang bubukod ka na? Yung nangangarap kang matanggap sa bawat kumpanya o target mong workplace? Although may prospect na ako kung san ako magbibigay ng resume’s at CV’s ko, parang biglang umuurong yung mga paa ko para ituloy.

One Wednesday morning, nagpasama ako sa friend ko para mag-apply. Sakto, alam niya ang mga pasikut-sikot sa siyudad kung saan ko napiling magtrabaho dahil dun din siya nag-aral. Education siya tas English studies ako so malamang, teaching ang landing naming dalawa. Kahit “brave heart” ako kung ituring ng ilan sa mga kaklase ko, ramdam ko ang panliliit ko sa sarili ko. Halo-halong emosyon na  – kaba, saya- sabik, basta lahat na at paulit-ulit na ganun.

Dalawa ang pinasahan ko, isang high school at isang college pero siya isa lang. Ayaw pa raw niya kaseng magturo sa mga “big schools”, saka na lang daw. Ako naman kasi, college talaga gusto kong turuan. Pakiramdam ko kase seamless ang learning pag sa ganung level na.  Yung learning may continuity. Na aral lang ng aral, acquire lang ng acquire ng knowledge sabi nga ng thesis adviser ko. Yung sa high school naman, kaya ko napiling mag-apply dun eh dahil sa quality ng school – exclusive school siya at lahat ng mga estudyante dun, pumapasa sa mga entrance exams particularly UP, Ateneo, La Salle, UST, FEU o kahit anu pang prominent schools sa manila. Idagdag na rin ang laki ng compensation rate. Sino ba naman ang may ayaw sa rate na mataas diba? Pero tawang-tawa yung kaibigan ko sakin. Siya kasi ang binabala ko sa HR ng school para tanungin kung saan magpapass ng resume at CV. Naduduwag talaga kasi ako ng sobra sobra sa mga oras na yun.

Para kasing lalabas na yung puso ko sa kaba na gusto ko mag-banyo sa sobrang nerbiyos. Dumating pa nga sa puntong sinabi ko sa kanyang “Umalis na lang tayo, nahihiya ako eh”. Pero sadya talaga sigurong malakas ang loob niya, tinulungan niya kong wag patitinag sa kaba at ayun, siya ang nag-front. Habang palakad kami sa HR ng College School na gusto kong applyan, hindi ko na alam ang nangyayari sa paligid ko kahit pinagtitinginan ako ng mga estudyante roon (kasi nga naman, may bagong mukha ata sa school nila). Basta ang alam ko lang, nag-aaply ako at kailangan na kailangan ko ng trabaho.

Hiningi at binasa ni Mam HR yung resume ko. Habang ini-scan niya, hindi matigil-tigil ang kaba sa dibdib ko. Hindi rin ako mapakali at hindi ko rin alam ang gagawin ko nung mga oras na yun. Naikumpara ko tuloy yung sarili ko nung nag-aapply ako sa pinag-OJThan ko. Bakit mas malakas ata ako dun?

Tapos, ilang saglit lang, biglang sabi ni Mam:

Paiwan na lang ng resume ha. Saka tatawagan ka na lang namin. Wala kasi yung Academic Dean namin eh. Nasa ibang bansa, may inaasikaso. Anyway, English ano?”

Siyempre payag at “yes mam” naman ako. At habang umu-oo ako, nakita kong sinulatan niya yung CV ko at sinulatan ng “English” na hindi ko na alam kung ano pa mga  kasunod na sinulat niya dahil nagpaalam na kami at masaya sa nakita.

Pagkalabas ng eskuwelahang iyon, sobrang saya ko na para bang pakiramdam ko e hired na ako. Nagtatatalon ako na tila napawi lahat yung init ng panahon, tagktak ng pawis, gutom at kawalan ng pera ko nung mga oras na yun. At nang kumalma, matinding panalangin at pag-asa ang aking ginawa.

MAPANGARAP NA FUTURE (#Insert our Graduation Song: I Believe by Fantasia Barrino)

Sa ngayon, nag-aantay parin ako ng tawag sa mga inapplyan ko at patuloy ang matinding pananalangin.  Sinusubukan ko ring mag-apply pa sa iba pa dahil mas maganda na yung sigurado. Sana lang talaga, may ipagkaloob sakin. Ipinapangako ko namang pagbubutihan ko at pananatilihin ang moral at integridad na meron ang institusyong magiging daan sa pagtupad ng iba pang mga pangarap ko.

Nariyan na rin yung mabibili ko na siguro yung mga gadget na gusto ko, mga damit, sapatos o anu pa mang mga material na bagay. Andiyan na rin yung makakatulong ako sa simbahan naming bilang pagkilala at pasasalamat sa probisyon ng ating Panginoon sa araw-araw.

Pero hindi natatapos dun ang lahat. Pag nakaipon, balak ko ulit mag-aral. Pero sa mas mataas na antas na. Subukan lang ang mag MA dahil alam kong hindi nagtatapos sa kolehiyo ang lahat. Kung may kakahayan at resources para mag-aral lang ng mag-aral, sige ba? Mangarap lang ng mangarap. Hindi nakakamatay ang mag-asam na mapabuti at mapaunlad ang buhay.

Masarap ang nakatapos at may trabaho na, pero iba parin ang pagiging isang estudyante. Kaya sa mga patuloy parin na pagpupursigi sa apat na sulok ng kanilang silid-aralan, pagbutihan niyo lang. Enjoyin ninyo ang bawat araw na ginugol niyo kasama ang inyong mga ballpen, papel at libro, at samantalahin ninyo ang mga pagkakataong magagandang dulot nito sa inyo. Dahil kapag dumating na ang araw ng inyong pagtatapos, naniniwala akong lahat ng nararamdaman ko ngayon ay mararamdaman niyo at masasabi niyo sa mga sarili niyong “oo nga, tama nga talaga.”

Samakatuwid, alam ko na ang pakiramdam ng bawat manggagawang Pilipino. Lahat nag-aasam na magkakaroon ng magandang trabaho. Lahat may kanya-kanyang pangarap na kailangang mabuo. Ang tindi ng kumpetisyon sa panahon ngayon. Dapat may isang bagay ka talagang taglay na kung saan magagamit at maipapakita mo ito na siyang magsisilbing alas at angat mo sa iba. Gaya nga ng sabi ko sa motto ko saming college yearbook: “Beat your own records every day. Feel grand but always keep your feet on the ground.”

Muli, ang aking masigabong pagbati sa lahat ng magsisipagtapos ngayong taon!

Mabuhay, Batch 2015!

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s